May batas na bang nagpapatupad na dapat pagkatapos bumoto, kunan ng litrato ang mga hintuturo't i-share sa Facebook at Instagram?
Andaming madudumi ang hintuturo ngayon. At ito'y magandang senyales para sa mga manikyurista: extra income, kikita sila. At dahil hindi sapat ang mertayulet at kyutiks sa sobrang daming customers na magpapalinis, magandang senyales naman 'to para sa mga tindero't tindera ng mga produktong pang-kuko: kikita din sila. At dahil kukulangin sa supplies ng mga ganung klaseng produkto dahil sa sobrang daming manikyuristang gustong bumili, magandang senyales naman 'to para sa mga pabrikang gumagawa ng iba't ibang parapernalya ng mga manikyurista: lalakas din ang kita nila. At dahil may tyan din ang mga taong nagtratrabaho sa mga pabrikang 'to, gugutumin sila. At magandang senyales naman 'to para sa mga nagkakarenderya: kikita din sila. At dahil sa sobrang daming gutom na customers ang gustong kumain, kelangan ng mga nagkakarenderyang dagdagan ang mga niluluto nila, kaya kelangan nilang mamalengke't mamili ng mas madami. At ito'y magandang senyales para sa mga nagtitinda ng karne, gulay, isda, bigas at mga rekado: karagdagang kita ito sa kanila. At dahil magiging mabenta ang mga ganitong klaseng produkto, magandang senyales naman 'to para sa mga magsasaka, mangingisda, nagpo-poultry at mga nagpi-piggery: extra kita 'to sa kanila. At dahil pangarap ng mga taong 'to na makapag-aral ang mga anak nila, matutupad na ang mga ito't magagawa na ng mga bata na makapag-aral: magandang senyales sa kinabukasan ng Pilipinas - ang kabataan ang pag-asa ng bayan ika nga. And so and so forth.
Unang mapapansin: chain reaction. Pero ito ang punto: sa pagdumi ng hintuturo mo't pagboto, andaming apektado. Sa matalino mong pagboto, magandang senyales 'to para sa mga manikyurista, tindero't tindera, mga industriya't pabrika, mga magkakarne't magsasaka, sa mga bata, sa kanila, sayo, saken at sa buong bansa natin: babangon at aasenso tayo. Hahalal tayo ng mga taong magtataguyod at magbabangon sa bansa nating dapang-dapa at rugmok sa kahirapan. Sa araw na 'to, pipili tayo ng mga lider na mas pinipili ang kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran ng bawat pilipino. Maging magandang senyales sana ang araw na 'to para sa bawat isa satin at magbigay ng panibagong pag-asa. At yan ay sa pamamagitan lamang ng malinis na konsensya at matalino nating pagboto.
Madumi man ang mga kuko nating uuwi sa ating mga tahanan, malinis naman at payapa ang ating kalooban: dahil bumoto tayo ng tama.
Pagpupugay sa mga taong may paninindigan at bumoto ng tama.
Ahon Pinas.
No comments:
Post a Comment