Mahal, kung nadurog man ang puso mo dahil mas pinili kong maging bato sa simula, ipagpaumanhin mo na ang aking naging kahangalan.. Hindi iyon para saktan ka, kung hindi dahil natatakot pa ako sa simula.. Ang sabi ko pa nga sayo, natatakot ako sa sarili ko dahil nakakasakit ako ng mga taong sa akin ay wala namang ginawang masama.. At sabi ko sa iyo ayaw ko ng manakit pa.. lalo na't ikaw pa.. Kaya mas pinili ko munang maging bato sa mga panahong iyon.. Pero mahal, tumayo ka na sa pagkakayuko.. Hayaan mo ako.. Hayaan mo akong yumuko't masugatan sa pagpulot ng mga bubog na ako ang may kagagawan.. Handa akong masugatan habang pinagdidikit-dikit at binubuo ang busilak mong puso na mahal ng puso kong nadurog at naging gusgusin ngunit mas pinili mo pa ring mahalin..
Mahal, wag kang mabagabag. Wag kang matakot. Dahil hindi mo na kailangan pang sabihin sa akin na saluhin kita, dahil kusa kang minahal ng puso ko at mula noon ay mahigpit na kitang yakap-yakap. Kailan man ay hindi ko hahayaang mahulog ka sa kalungkutan kinakatakutan mo. Mahal, kung ako man sa iyo ay isang araw, halika, lumapit ka, wag kang matakot, wag kang mangamba, dahil hindi mo lang alam ako ang araw na nagliliyab ang pagmamahal para sayo.. Mahal, wag mong katakutan ang aking pagmamahal..
Mahal, oo, naikwento ko sa iyo ang tungkol sa mga bigong taong nagmahal ng todo at ibinuhos ang lahat-lahat para lamang sa taong mahal nila at nauwi lang sa wala. Mahal, isa ako sa mga bigong taong ito.. Naranasan ko ang magbigay ng lahat at nakatanggap lang ng kaunti kung mayroon man.. Pero iniwan ding tulala.. Ang mga kwentong iyon ay para ipaalam ko sa iyong natatakot na akong ibigay ulit ang nasimulan kong lahat.. Pero sa mga araw na nagdaan pagkatapos kong ikwento ang mga ito sa iyo, ipinaramdam mo sa akin na hindi ko na kailangan pang sisihin ang kasalukuyan at hinaharap ng dahil lang sa kagagawan ng mga karanasan ko sa nakaraan.. Mahal, ikaw ang aking kasalukuyan at parating ipanapanalanging hinaharap.. Mahal, huwag mong masubukang ako ay hadlangan.. ibubuhos ko ang lahat-lahat para sa taong mahal ko.. Mahal, ibubuhos ko ang lahat-lahat para sa iyo.. Matutulog tayong magkayakap, nakangiti at may malalim na pagmamahalan sa isa't-isa sa bawat gabing may lihim na pangakong magandang bukas.
Mahal, pitong bilyong tao sa planetang ito, sabi mo pa nga.. at napaka-swerte ko dahil sa pitong bilyong taong maaari mong pagpilian, ako ang iyong piniling mahalin.. Mahal, maliban doon, mapalad ako dahil kahit ang tingin ko sa sarili ko ay isang alikabok lamang sa buong kalawakan, walang pagod mong tinutuklas ang mga magaganda at matitingkad na bagay na mayroon ako na hindi ko man lang napapansin at nabibigyan halaga.. napakasarap sa puso ang magkaroon ng ganoong kasama sa buhay.. Mahal, binigyan mo ng kulay at tingkad ang kalawakan ng buhay ko sa pamamagitan ng iyong pagmamahal.. Maraming salamat.. Singlawak ng kalawakan ang pagmamahal na nararamdam ko para sa iyo..
Mahal, hahayaan ko na lang ang tanawin ng mga karagatan na paalalahanan ka kung gaano kalawak at kalalim ang pagmamahal ko sa iyo.. Mahal, ganyan kita kamahal..
Mahal, ang sarap ng kain ko kapag katabi kita.. Maliban sa dahilang para nakikita natin ang ibang tao ay ang purong pagnanais na makatabi ka.. Walang paglagyan ang sabik at pagmamahal ko at hindi sapat ang titig lang kapag tayo ay magkasama.. Nais kong katabi kita, hawakan kita, ipatong ang ulo ko sa balikat mo at sa kung ano pang ibang desperadong pamamaraan para lamang maramdaman kong nasa piling na kita.. Mahal, ngumingiti ang puso ko dahil sa iyo..
Mahal kita. At ang lahat ng mga pinagdadaanan natin ngayon ay paraan lang ng Imbentor ng pagmamahal upang mas mapagtibay natin ang pagmamahal natin sa isa't-isa. Tulad nga parati mong sinasabi sa akin: Mahal, kapit lang.
No comments:
Post a Comment