Gusto na namang makipaglaro ng aking utak.. mag-isip ng mga makukulit at may kabuluhang mga talata.. gustong pigain at kalikutin ang salitang NAPAPAGOD.. sa ibang sulok ko raw tingnan.. gawin ko raw english ang huling tatlong titik.. imbis na napapagod, magiging napapa-GOD.. Imbento.
Oo imbento nga.. hindi ko alam bat bigla kong naisip yun.. sadyang naglalayag sa ibang dimension ang maliit kong utak.. Ngunit ayaw kong hayaang hanggang sa diwa lang.. ayokong humantong sa imbento lang.. gusto kong lumubog pa sa kaila-ilaliman.. gusto kong tumuklas ng kayamanan.. ng kahulugan..
Kahulugan. Ano nga ba ang kahulugan..? Ito ba'y aking mapapakinabangan? Baka humantong lang sa kawalan ang lahat ng pinaghirapan.. Pag-isipan.
Ako'y naglayag.. at ako'y nagmasid.. pinansin ang lahat ng madadaanang kaalaman.. malawak.. sari-sari.. lahat may kanya-kanyang paninindigan at paniniwala.. mahiwaga.
Mahiwaga ang aking natuklasan.. isang ideyang pwedeng isabuhay.. Hindi ko aakalaing may natatago palang kayamanan.. ang nilaro kong salitang negatibo lamang para sa mga nilalang.. Negatibo.
Negatibo ang salitang NAPAPAGOD.. pag narinig mo ang salitang ito sa isang tao, ang unang papasok sa isip mo ay gusto na nitong itigil ang ginagawa at magpahinga.. Isuko ang digmaan. Itaas ang puting watawat ng kaalaman.. At gayahin ang nakararaming walang pakialam.. Ngunit ano nga ba ang mga bagay na nakakapagpapagod? Suliranin, trabaho, responsibilidad, kawalan, kahirapan at kapwa-tao? Nakakapagod pag-isipan ang mga problemang tila may imposibleng paraan. Nakakapagod ang araw-araw na pagtratrabaho para lang mabuhay.. nakakapagod ang responsibilidad bilang asawa, magulang, kapatid, kaibigan at responsibilidad bilang isang mamamayan ng mundo at mamamayan ng Diyos..nakakapagod pakisamahan at magpatawad sa mga taong walang inisip kundi ang manglamang at ulit-ulitin ang pangungunsumi sa buhay natin.. Nakakapagod mangarap ng mga bagay na kay hirap kamtan.. nakakapagod ang maramdaman at makita ang mga taong naghihirap.. Nakakapagod..
Hindi ko na pahahabain pa ang kwentong para sa iba ay walang kwenta.. nakakapagod rin kaseng magtype at magbasa ng mga mahahabang kwento tulad nito (gusto ko na ring magpasalamat at umabot ka sa pangungusap na ito).. didiretsahin na kita.. magtatanong lang naman ako tulad ng pagtatanong ko sa sarili ko.. sa gitna ng mga bagay at dahilan na napapagod ka, mga bagay na hindi mo na kayang hawakan minsan, ito rin ba ang mga dahilan upang mas lumapit ka sa Diyos? In other words, mas napapa-GOD ka ba o napapagod lang talaga?
Ngayong gabi bago matulog, magmuni-muni. Maglayag. Mag-isip. May kabuluhan nga ba ang mga bagay na nakakapagod sa atin? Napapagod ka na ba sa mga bagay na ginagawa mong maaaring makatulong sa pagbabago ng agos ng mga makamundong paniniwala ngunit hindi nabibigyan ng pansin at isinasawalang-bahala lang ng iba? At kung napapagod ka na nga, napapa-God ka rin ba? Mahiwaga rin ang matutuklasan mo. Wag kang mapagod mag-isip ng mga bagay na pwedeng magbigay ng sagot at dahilan sa mga malalabong bagay na wala ng paki ang mundo kung malabo man.. At maaaring makaimbento ka rin ng mga bagay na pwede mong maisabuhay at maisabuhay rin ng ibang nilalang.
Piliin at gawin ang mga bagay na nakakapagod at nakakapa-God.